Tatanda at Lilipas Din Ako: Regine Velasquez and the Timeless Voice of Generations
![]() |
| Photo courtesy of Billboard Philippines |
Ngayong 2026, itinanghal siya ng Billboard Philippines Women in Music bilang Woman of the Year, isang parangal na kumikilala sa kanyang apat na dekadang kontribusyon sa musika. Sa panayam, ipinahayag ni Regine ang kanyang pasasalamat sa lahat ng naging bahagi ng kanyang journey, at binigyang-diin ang kahalagahan ng pagbibigay-puwang sa kababaihan sa industriya ng musika. Tumatak din sa akin ang message ni Ate Reg “To the people in this room, dream big. Hindi pwedeng maliit ka lang mangarap. Dapat malaki kang mangarap. Dapat ready kang matupad ang pangarap mo. You have to dream big. Dapat lakihan mo. Mas malaki sa’yo ang pangarap mo, then work hard. Be ready. Because one day, it will be your time.”
Hindi matatawaran ang kanyang mga tagumpay: mula sa kanyang panalo sa Ang Bagong Kampeon noong 1984 at sa Asia-Pacific Song Contest noong 1989, hanggang sa pagiging top-selling OPM artist of all time. Sa musika, nakapagrecord siya ng mahigit 300 songs, nakapaglabas siya ng 17 studio albums, 1 live album, 15 compilation albums, 5 EPs, at mahigit 90 singles. Sa pelikula, lumabas siya sa mahigit 30 films, kabilang ang Wanted Perfect Mother (1996) at Paano Kita Iibigin (2007), kung saan siya ay nominado bilang Best Actress. Sa telebisyon, naging bahagi siya ng mahigit 20 TV shows, kabilang ang Pinoy Pop Superstar kung saan siya ginawaran ng Best Female Host. At sa concerts, nakapagtanghal siya ng mahigit 300 shows sa loob ng kanyang karera, kabilang ang mga iconic na pagtatanghal tulad ng One Night With Regine (2003) na nagwagi ng Best Musical Special sa Asian Television Awards. Bukod pa rito, nagwagi rin siya ng Best Actress sa isang episode ng Maalaala Mo Kaya na pinamagatang Lobo (2002), na nagpapatunay ng kanyang husay sa pag-arte.
Sinong bakla ang hindi nkakalam sa mga sikat na kantang ito: On the Wings of Love, You Are My Song, Shine, Narito Ako, Isang Lahi, Kung Maibabalik Ko Lang, Dadalhin, at Pangako. Ako personal kong gusto yung kanta niyang ‘You’ve made me stronger,’ na pinapakinggan ko kapag gusto ko magrelapse.
Walang makakapantay sa husay at mga narating ni Ate Reg. Walang singer sa Pilipinas ang makakatungtong sa parehong antas ng kanyang impluwensya at tagumpay. Lahat ng mga magagaling na mang-aawit sa bansa ay iniidolo siya—mula kina Sarah Geronimo, Katrina Velarde, Julie Ann San Jose, Kyla, hanggang kay Morissette Amon. Ang mga bagong henerasyon ng singers ay laging tumitingala sa kanya bilang huwaran, inspirasyon, at pamantayan ng kahusayan. Laging sinasabi ni Ate Reg na ‘it’s no longer my time anymore’, pero hindi ako sang-ayon dito. Oo, nagkaroon siya ng kanyang panahon, ngunit hanggang ngayon ay patuloy pa rin siyang minamahal ng napakaraming tao. Ang kanyang musika ay nananatiling buhay, at siya ay mananatiling nag-iisang Regine Velasquez—Asia’s Songbird, isang alamat, at isang inspirasyon na walang kapantay.
Bukod sa kanyang talento, kilala rin si Regine bilang isang mapagbigay at supportive na tao. Maraming beses na siyang nag-guest ng libre sa concerts ng mga baguhang singers upang ipakita ang kanyang suporta at maging mentor. Isang mahalagang halimbawa nito ay nang lumabas siya sa concert ni Aicelle Santos at Katrina Velarde bilang sorpresa, at nang magbigay siya ng oras para kay Julie Anne San Jose at sa iba pang mg batang mang-aawit. May napanood din akong video clip kung saan naging guest siya sa debut ni KC Concepcion, na isa ring fan niya. Hindi lamang siya dumalo, kundi nagbigay siya ng espesyal na performance bilang regalo, na nagpapatunay ng kanyang kabutihang-loob at pagiging down to earth sa mga taong humahanga sa kanya.
Hindi ko rin makakalimutan ang isang personal na karanasan: sampung taon na ang nakalipas, nanalo ako ng tatlong album versions ng kanyang R3.0 album sa concert niya noong October 21, 2017 sa Mall of Asia Arena, kung saan ipinagdiwang niya ang kanyang 30 years in showbiz. Bago nagsimula ang concert, may pakulo ang major sponsor na PLDT—kung sino man ang makakakuha ng score na 100 sa videoke ay bibigyan ng libreng album. Siyempre, hindi ako nagpatalo at sumali ako. Sinwerte ako nang kantahin ko ang You Are My Song, at nauwi ko ang libreng album. Isa iyon sa mga pinakamasayang alaala ko bilang fan, dahil hindi lang ako basta nakapanood ng kanyang concert, kundi nakauwi pa ng espesyal na alaala mula sa kanyang milestone celebration.
Ngayong Oktubre 2026, gaganapin ang kanyang 40th Anniversary Concert bilang pamamaalam niya sa entablado. Wala pang eksaktong petsa at venue, ngunit malinaw ang kanyang sinabi: ito na ang huling malaking solo concert niya at soon magreretire din siya. Para sa mga tulad kong naging fan ng higit 20 taon, malungkot marinig ang balitang ito. Kaya mula sa araw na ito, pag-iipunan ko talaga ang ticket na iyon. Wala akong pake kung mahal ito—magtitipid muna ako, haha—dahil ang mahalaga ay makasama ko siya sa kanyang huling malaking pagtatanghal.
Aminado rin si Ate Reg na hindi na kasing powerful ng dati ang kanyang boses at minsan ay hindi na niya naaabot ang mga matataas na nota na dati ay parang napakadali para sa kanya. Ngunit sa halip na ikahiya, tinanggap niya ito bilang bahagi ng natural na proseso ng pagtanda. Turning 56 na siya ngayong April 22, at wala pa akong kilalang singer na nasa 50s na ay kaya paring bumirit ng bongga, si Ate Reg lang! Ang bawat performance niya ngayon sa edad niya ay mas puno ng damdamin, karanasan, at lalim—isang patunay na ang musika ay hindi lamang tungkol sa taas ng nota, kundi sa kwento at emosyon na naipapasa sa mga nakikinig.
Noong bata ako, napanood ko sa GMA Sundays best ang replay ng concert niya noong 2007 sa Aliw Theater na pinamagatang Ang Ating Musika, kung saan kinanta niya ang “Ang Minsan Minahal ay Ako” at “Handog.” Noon, hindi ko pa gaanong naramdaman ang sakit ng mga awitin, ngunit nang makita ko muli ang video clip sa facebook kanina, doon ko naramdaman ang bigat—tumatanda na ang Songbird, ngunit hindi kailanman nawala ang kanyang kinang. At gaya nga ng lyrics ng kanyang kanta, “Tatanda at lilipas din ako, ngunit mayroong awiting iiwanan sa inyong alaala” isang paalala na lahat tayo ay dadaan sa pagtanda, ngunit ang musika at alaala na iniwan niya ay mananatiling buhay magpakailanman.
Para sa akin, maituturing na siyang National Artist. Hindi lamang dahil sa dami ng kanyang naabot, kundi dahil sa lawak ng kanyang impluwensya sa kultura ng Pilipinas. Ang kanyang musika ay naging bahagi ng bawat tahanan, bawat videoke, at bawat alaala ng mga Pilipino. Siya ang nagbigay ng boses sa isang henerasyon, nagbigay ng inspirasyon sa mga kabataan, at nagbigay ng lakas sa sangkabaklaan. Kapag sinearch mo pa nga sa Google kung sino ang top artist of all time, walang ibang pangalan ang nangunguna kundi si Ate Reg—hailed as the best-selling OPM artist of all time, with an estimated 7 million certified albums locally and 1.5 million in Asia.
Sa loob ng dalawang dekada bilang fan, hindi ako nawalan ng pagmamahal sa kanya at sa kanyang musika. Siya ang nagdala sa akin upang mahalin ang pagkanta, at sa bawat nota ng kanyang boses ay may kasamang alaala, inspirasyon, at pag-asa. Hindi lamang siya Asia’s Songbird—siya ang patron ng sangkabaklaan sa Pilipinas, isang tunay na gay icon. Sa kanyang musika, nakahanap ng tahanan ang marami, nakaramdam ng kalayaan, at nakakita ng kinang na hindi kailanman nawala.
Nakakalungkot man na ito na ang huling concert niya, masaya pa rin ako na sa loob ng 20 years bilang fan, naging bahagi ako ng kanyang journey. Kahit magpaalam man siya sa entablado, mananatili siyang walang kapantay na Asia’s Songbird—ang tinig na nagbigay inspirasyon sa milyon-milyong bakla sa Pilipinas.
Regine Velasquez—isang alamat, isang inspirasyon, isang huwaran ng kabutihang-loob, isang walang hanggang kinang, at para sa akin, isang tunay na National Artist ng Pilipinas.
See you all sa concert ni Ate Reg.


No comments
What do you think of this post? Please leave a comment.